Bakit may mga binihisang tren sa LRT 1?

Para sa mga gustong matuto, may gurong darating. At ito ay tren na nagbabahagi ng munting kaalaman at nanunukso sa ating kamalayan. Maligayang pagsakay sa binihisang tren ng Gabay Guro!

Nitong nakaraang tatlong taon, ang LRT-1 ay nakikilahok sa buwan ng Gabay Guro. Ito ay nag-ambag sa layunin ng ating mga guro na patuloy na linangin ang kaalaman ng mga Pilipino sa anumang paraan at saang sulok man matagpuan ang gustong matuto. )

Nais marating ng byaheng ito ang maramdaman ng pasahero ng tren ang yaman ng kalinangang Pilipino sa pagkilala ng mga titik ng baybayin, pagbalik tingin sa ating kasaysayan, pakipaglaro muli ng bugtung bugtungan at subukang isulat ang titik ng baybayin. Tara! pagyamanin natin ang sariling atin.

Kilalanin ang Baybayin

Ang baybayin ay titik ng ating wika, pamana ng ating lahi.
Pagyamanin natin ang sariling atin.

Ba          y             ba           yi            n

Malawakan na ang paggamit ng baybayin bago pa man dumating ang mga Espanyol sa ating bansa. Napuna ito sa isang akdang sinulat noong 1590 na ngayon ay kilalang “Boxer Codex” o kaya “Manila Manuscript”. Pinapaniwalaang ito ay ulat ng Gobernador Heneral ng Pilipinas noong panahon iyon.  Noong 1593, ang unang nailimbag na aklat sa Pilipinas, ang “Doctrina Christiana” ay sinulat sa parehong Espanyol at sa baybayin. Naisantabi man ang pagsusulat sa baybayin nang sinakop ang bansa ng mga dayuhan, ito ay buhay sa ilang mga mahahalagang simbolo ng ating kasaysayan at kultura – tulad ng bandila ng Katipunan at sa logo ng Sentro ng Kalinangang Pilipino (Cultural Center of the Philippines) at sa maraming pang ibang malikhaing gawain at personal na pagpapahayag .

Watawat ng Katipunan
Revolutionary flag of the Katipunan

Logo ng Sentro ng Kalinangang Pilipino (CCP)
Cultural Center of the Philippines Logo
Katotohanan, Kagandahan, Kabutihan

Ang Biyaheng Baybayin

Sa tren na ito ay susunduin natin ang baybayin noong panahon na siya ay gamit ng karamihan sa pagsusulat at dadalhin natin ito sa ating panahon ngayon. Gugunitain natin ang mga kabanata ng ating kasaysayan sa iba’t ibang sulok ng tren at babaybayin ang iba’t ibang mga salitang gamit na mula noon hanggang sa mga nau-uso ngayon.

Ang unang bagon ay paglalarawan ng panahon bago tayo sinakop ng mga Espanyol. Makikita natin sa iba’t ibang bahagi ng tren ang mga larawan ng mga tao noong panahong iyon, ang mga disenyo ng mga hinabi nilang tela at ang mga tatoo na nakaguhit sa balat nila.

Ang mga larawan sa mga pintuan ay hango mula sa Boxer Codex, liban sa iisang larawan mula sa tribong Subanen ng Mindanao.  Ang mga habi  sa mga bintana at mga disensyo sa dingding ay mula sa naman sa iba’t ibang tribo ng ating kapuluan.

Ang pangalawang bagon naman ay pagbalik tingin sa mga bayani ng ating bayan na nakipaglaban sa ating kasarinlan at ilang sa mga tanyag na manunulat. Ang mga bayani at manunulat na ito ang nagbigay buhay sa mga karanasan at adhikain ng ating lahi. Sa mga bintana ay ang iba’t ibang watawat bago ito nakarting sa kasalukuyan niyang anyo. Makikita din natin sa mga disenyo ng dingding ang mga disenyong dala dito mula sa europa.

Ang mga Bayani at Manunulat

Francisco Balagtas 1788-1862

Hinirang na “Prinsipe ng Manunulang Tagalog”. Pinangalan sa kaniya ang Balagtasan, ang pakipagbalitaktakan na tinutulala. Kilala din siya bilang Francisco Baltazar.

“Bihirang balita’y magtapat
Kung magkatotoo ma’y marami ang dagdag.”
– Florante at Laura

Leona Florentino 1849-1884

Tinaguriang “Ina ng Panitikang Pilipino ng Kababaihan”. Ang kaniyang mga tula ay nakasama sa Encyclopedia International des Oeuvres des Femme na inilimbag noong 1889 sa Pransya. In 1887, her works were exhibited at the Exposition Filipina in Madrid and at the Exposition Internationale in Paris in 1889. She is believed to be the first Filipina to have this recognition.

Sususubukan ko sanang magtapat
Ngunit ako’y nauumid
Dahil maliwanag namang
Ako’y mabibigo lamang.
– Naunsyaming Pag-asa

Gayagayec coma a ipalaoag
ngem bumdeng met toy dilac,
a ta maquitac met a sibabatad
nga ni paay ti calac-amac.
– Apay na Namnama (Original text in Ilocano)

Jose Rizal  1861-1896

Pambansang Bayani. Ang kaniyang mga nobela ay naghimuk ng pag-alsa laban sa pananakop ng Espanya. Pinaniwalang siya ang unang Pilipinong pinatay dahil sa kaniyang gawa bilang manunulat.

“Ako’y mamamatay na hindi man lamang nakita ang maningning na pagbubukang liwayway sa aking bayan.
Kayong makakakita, batiin ninyo siya at huwag kalilimutan ang mga nalugmok sa dilim ng gabi.”
Elias,  Noli Me Tangere

Andres Bonifacio 1863-1897

Nagtatag at naging Supremo ng rebolusyonaryong samahang Katipunan o KKK, na  nakipaglaban upang palayain ang Pilipinas sa pananakop ng Espanya. Sumulat ng tula na nagpapahayag sa kaniyang pag-ibig sa tinubuang lupa.

Kung ang bayang ito’y nasa panganib
at siya ay dapat na ipagtangkilik
ang anak, asawa, magulang, kapatid
isang tawag niya’y tatalikdang pilit.

– Pag-ibig sa Tinubuang Lupa

Apolinario Mabini 1864-1903

Ang “Dakilang Lumpo” at “Ang Utak ng Rebolusyon”, na siyang nagsulat ng konstitusyon ng Unang Republika ng Pilipinas.  Kilala din sa kaniyang akda na “Tunay na Dekalogo” at “Pagbangon at Pagbagsak ng Himagsikang Filipino”.

Aking nasa sa pagsulat ng mga karanasang ito na tuntunin
ang mga mahahalagan aral ng mga lumipas upang maunawaan ang mga nagaganap sa kasalukuyan at at sa mga darating na araw.
-Ang Himagsikan ng mga Filipino

Ang pangatlong bagon ay ang kasalukuyan na kinakatawan ng estilong “graffitti” o, “street art”. Dito binabaybay ang mga salita na ginagamit sa mga impormal na pakikipag usap. Dinadala din sa kasalukuyan ang sinaunang libangan na bugtung bugtungan. Tulad ng baybayin, ito din ay naibaon na sa mga bagong anyo ng libangan ng ating kasalukuyang lipunan.

References:
“Boxer Codex,” The Lilly Library Digital Collections, accessed September 11, 2019, http://www.indiana.edu/~liblilly/digital/collections/items/show/93.

Pastor-Roces, Marian. Sinaunang Habi: Philippine Ancestral Weave. Nikki Books, 1991

https://www.rappler.com/life-and-style/arts-and-culture/210657-reconnecting-filipino-roots-baybayin

https://bangkanixiao.files.wordpress.com/2012/10/rizal-liham-sa-kababaihan-ng-malolos.pdf
Lilia Quindoza Santiago. Women in the Philippine Revolution. Diwata Foundation and HASIK, 1995.
http://www.filippiinit-seura.fi/firefly.html

Leave a Reply

%d bloggers like this: